Isa lang…

Hindi ko maintindihan. Puso kong nauulanan. Ng lungkot na galing sa kalangitan. Libu-libong karayom. Kelan ba ang paghuhukom. Sawa na nga ba akong mabuhay o sa pag-ibig lang ba ako umaayaw. Ayaw ko na lang muling masaktan, siguro. Hindi pa sumasara’t naghihilom mga dating sugat na hanggang ngayo’y humahapdi. Siguro ay kailangan ko lang kumawala sa mapait kong mundo o baka kailangan ko lang ng gamot para dito. Pag-ibig lang ang sagot sa pag-ibig. Isang beses ka lang iibig ng totoo at todo. Napakamalas ko naman at ang unang bese na pagtibok ng puso ko ay siya agad na pinakamalakas. Ngayon, wala nang higit pa sa kasukdulan na nararamdaman ng puso ko. Hindi na ako makakahanap ng iba. Na papantay o hihigit pa sa iyo. Ikaw ang sagot sa aking tanong. Ang bendang babalot sa aking puso at pipigilan ang pagdurugo nito. Ang silong ng dahong sasalag sa mga karayom na unti-unting kumikitil sa akin. Ang sinag ng araw na papawi sa dilim na lumalamon sa aking mundo. Ikaw iyon. Ikaw lang. Ang una, natatangi, at huli. Ikaw ang musika sa aking tainga, ang halimuyak sa aking ilong, ang tamis sa aking bibig, ang lambot at init na bumabalot sa akin. Isang halik mo lang, aking mahal.

Leave a comment